3rd Placer
Sabay sa Ihip ng Hangin
Shly Karina C. Diaz
Eulogio Rodriguez, Jr., High School
Wooosh… Wooosh… Ito ang tinig ng hangin na dumadampi sa aking kayumanging balat. Kaylamig ng ihip nito’t kaysarap ramdamin… at mas nakatutuwang namnamin ito kung tayo ay tunay na komportableng nagpapahinga. Abala ang lahat ng Pinoy na aking nakikita sa parke kung saan nakatayo ang estatwa ni Rizal, isang makasaysayang lugar na tinatangkilik hindi lamang ng mga Pilipino kundi pati mga dayuhan. Napansin kong ang bawat isa’y hindi maiistorbo sa kanilang mga ginagawa. Samantalang ako… komportableng nalalasap ang hangin ng Luneta.
Sa patuloy na pagsayaw ng hangin, mayroon akong nakitang bagay na kasama nito… Lumapit patungo sa puwestong aking kinauupuan. Nang ito’y huminto at bumagsak sa lupa, akin itong binigyang pansin at pinulot. Isa itong litrato. Litrato ng aking Idolo na si Dr. Jose Rizal. Ako’y napangiti at bumalik sa aking puwesto. Nakatitig lamang ako sa mukha niyang iyon nang mahuli ko ang aking sarili na punung-puno ng iniisip. Tumatakbo ang isang Rizal sa aking imahinasyon at patuloy na gumagawa ng malaking iiwang bakas sa aking isipan.
Rizal. Isang Pilipinong tunay na may napakalaking ambag sa ating Inang Bayan. Inialay ang sariling buhay para sa kanyang mga kababayan at iniirog na bayan. Ngunit ano nga ba talaga ang mga nagawa nito, hindi lamang para sa sarili kundi para sa lahat?
Mamamayang Pilipino na henyong maituturing itong si Pepe. Isang manunulat, doctor, pintor at eskultor ang mga propesyong napanghawakan niya noon. Ang kagalingan niyang ito’y kinilala ng ating Pilipinas pati na rin ng iba’t ibang lugar sa mundo. Isang Pinoy na nagdala ng karangalan sa Pilipinas sa maraming lugar.
Hindi lamang ang mga propesyon na napanghawakan niya ang tumanim sa isip ng bawat tao. Ang kanyang mga akdang ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’ ang nagpaningning sa kanyang pangalan maging ng kanyang bansang kinabibilangan. Sa akdang ito’y ipinakita niya ang katapangan ng isang tinatawag nilang Indiyo. Katangiang umangat sa pagkatao ni Rizal noon na handog sa kanyang bayan.
Balik sa realidad, natagpuan ko ang aking sarili na manghang-mangha ang hitsura’t tila nakatagpo ng isang kahali-halinang bagay sa muli kong pagsulyap sa litrato, ito’y nilipad muli at isinayaw ng hangin. Unti-unting umalis papalayo ang bagay na nagbigay-aliw sa akin ng panandalian. Gaya ng pagsayaw ng hangin sa litrato ni Rizal, ang husay ng Pilipino ay sumasabay lamang sa ihip nito.

