2nd Placer
Si Rizal Bilang Aking Bayani, Ngayon at Bukas
Joana Pearl A. Baluyot
Quezon City High School
Paslit pa lamang ako’y nakasunod na siya
Mga leksyon niya’y pawang mga anino ko na
Ngunit sa aking paglaki’y mas lalo kong nakita
Tama lahat ang bawat inukit niyang salita
Galangin at ibigin ko raw ating wika
Upang hindi lumansa tulad ng isda
Habang ako’y lumalaki, nagkakaisip at tumatanda
Natanto kong isantabi ang mga salitang banyaga
Kami raw ang pag-asa nitong ating bayan
Kami nga na kung taguria’y mga kabataan
Sa amin magmumula at uusbong lahat ng katangian
Pagbabago’t pag-asa, sa balikat namin nakaatang
Aking ina ang nagpamulat sa akin
Ng mga bagay na tungkol sa bayani natin
Tulad niya’y ituturo at ipamamana ko rin
Mga bagay na ang lahat ay dapat isipin
Habang nabubuhay, siya’y aking bubuhatin at dadalhin
Kahit ako’y kitilin, hininga ko’y kanilang pawiin
Nabuhay akong siya ang nagturo at nagpangaral sa akin
At mamamatay akong siya lamang aking titingalain
Paulit-ulit mang siya’y siraan ng iba
Titulong bayani raw ay hindi para sa kanya
Kamukha ng kanyang aral, ipaglalaban ko siya
Kahit sa isipan nila’y mali, sa puso ko’y tama
Kaya naman hindi maarok ng isipan ko
Sa isang salita’y lahat magbabago
Buhay ng aking idolo’y biglang naglaho
Dahil lamang sa simpleng “FUEGO”!
Igapos man nila ang aking mga kamay gamit ang posas
Hanggang kumulubot aking balat na parang pasas
Siya pa rin, at siya lamang magbibigay sakin ng lakas
Si Jose Rizal, guro’t bayani ko noon, at sa marami pang bukas.

