2nd Placer
Ang ala-ala ni Rizal
Sa ating puso’y ikintal
Samantha Joie Sabicon
Culiat High School
Ang bayani, saan man at kailanman ay sagisag ng tumataginting na talent, makabayang karunungan, at dalisay na pag-ibig – Ganyan si Gat. Jose Rizal, ang bayaning nag-alay ng kanyang buhay na walang hinihintay na kapalit kundi ang masilayan ang kanyang minamahal na bansa na malaya at nagkakaisa.
Utang natin kay Rizal ang pagsasariling tinatamasa natin ngayon. Ang kanyang katalinuhan at pagkamakabansa ay kasabay niyang isinilang at lumaki. Hanggang sa kasalukuyan tumatatak sa ating mga puso ang kanyang mga gawa. Hindi maitatwang ang pagiging henyo ni Rizal ay nakamtan niya sa pagiging isang Pilipino.
Ang angking galing na taglay ng ating sambayanan ay tiyak na namana natin sa ating pambansang bayani katulad ni Rizal, tayong mga Pilipino ay mapagmahal, makatao, matalino, at talentado. Ginagamit natin ito upang pagpatuloy ang nasimulan ng ating pambansang bayani – Ang adhikain niyang mapalaya ang Pilipinas.
Napakahalaga ng Edukasyon para kay Rizal. Lumaki siya sa isang lugar na napapaligiran ng limitadong karunungan dahil sa pamamalakad ng Espanya. Aniya’y kailangan natin ng Edukasyon ‘pagkat ang edukasyon ang magbibigay sa atin ng kalayaan hindi ang sibat at bolo. Kaya tayo bilang mga huwarang kawani ni Rizal, ay tinutularan ang kanyang mga gawa at isinulong ang edukasyon sa ating bansa.
Si Rizal ay hindi lang basta bayani, Siya rin ay huwarang anak. Kumuha siya ng kursong medisina at nagpakadalubhasa sa Optalmologo sa pagkakaalam na ang kanyang ina ay mabubulag at maaring hindi na siya makita sa kanyang pag-uwi sa Calamba.
Ang hindi nagmamaliw na pag-ibig natin sa ating mga mahal sa buhay ay katulad ng marubdubing pagmamahal ni Rizal sa ina. Handang ibuwis ang buong oras, dugo at pawis para lang mapabuti ang kanilang kalagayan – isang ugaling siyang tunay na maka-Rizal.
Higit sa lahat, si Rizal ay makabansa. Ang kanyang mga ideya ay nakatuon lamang para sa ikabubuti ng ating bayan. Walang oras siyang sinayang at buong pusong inalay ang sarili sa bayan.
Sa tuwing ako’y lilingon, mapakaliwa man o kanan, nakikita ko ang imahen ni Rizal, Hindi man katulad ng iba si Rizal na nagpakadalubhasa sa ibang bansa, ngunit nakikita ko sa mga mata ng mga Pilipino, ang ala-ala ni Rizal, kahit sino pa man, kahit sa pinaka simpleng nagbubuhat ng isda sa palengke ay naaaninag ko si Rizal.
Mapalad tayong mga Pilipino – na meron tayong isang bayaning huwaran na nagtataguyod ng kanyang angking karunungan sa buong mundo. Buong puso kong isinisigaw sa mundo na ipinagmamalaki ang mga Pilipino.
Si Rizal ay mananatiling buhay noon, ngayon at magpakailanman.

