TOP 3 Poetry Writing Contest

1st Placer

Rizal, Ulirang Bayani
Jayr L. Beligan
Sergio Osmeña Sr., High School

Lupaing minsan nang naisadlak sa kahirapan
Muling bumangon upang ipaglaban ating kalayaan
Hinarap ang mga ganid at mapanakop na dayuhan
Buong tapang na hinarap maging ang kamatayan

May isang bayaning tiyak ‘di kayang mapantayan
Gat Jose Protacio Rizal natatangi niyang ngalan
Ulirang bayaning dinakila yaring Inang bayan
Gamit lamang ay papel at pluma sa pakikipaglaban

Inilapat ang nobelang Noli at El Fili
Bilang pagtuligsa sa mga Prayleng mapang-api
Ginising mga natutulog na puso at diwa
Upang mag-aklas at itaguyod hangad na laya

Kamatayan ma’y naghihintay ay ‘di alintana
Matamo lang ang laya, mawagayway ang bandila
Kaluuya’y ninais na malakipan ng sigla
Mabanaag ang liwanag, matanaw ang pag-asa

Araw, buwan, taon o dekada man ang magdaan
Mananatili sa diwa ang iyong kabayanihan
Sintayog ng lipad ng kalapati sa alapaap
Papagaspas sa hangin maabot lang ang pangarap

Si Rizal bilang bayani ng lupang tinubuan
Mamumutawi sa aming puso iyong kadakilaan
Sa darating na panahon magsilbi pang sariwa
Alaala mo’y patuloy pa sanang magunita

Kabayanihan niya ngayo’y magsisilbing hamon sa bayan
Kung paano magagawa yaring kabayanihan
Di man maparisan subalit magiging katanungan
Magagawa ba ito nating mga kabataan?

Kabataang babangon sa Lupang Sinilangan
Magsisilbing sinag tungo sa landas ng kamalayan
Ikintal sa puso’t isip kanyang kabayanihan

Patunayang tayo ang pag-asa ng Inang Bayan