1st Placer
“Indios Bravos”
John Bernard Caasi
Don Alejandro Roces Sr. Sci & Tech High School
“Wala yan, Pinoy kasi”
“Pag Pilipino palpak”
“May kakayahan ba ang Pinoy?”
“Pilipino “LANG” kasi…”
Lubos mang nakakalungkot isipin na ang mga pahayag na iyan ay namutawi – at patuloy na namumutawi sa sariling labi ng ating mga kapwa kababayan – Mga taong isinilang dito sa ating Inang Bayan – mga taong kasingkulay at kasing – anyo nating lahat – ang ating mga kapwa Pilipino.
Bakit nga ba kung sino pa ang ating kapwa Pilipino ay siya pa ang walang tiwala sa sariling kakayahan? Bakit kung sino pa ang Pilipino’y siya rin ang yumuyurak sa sarili niyang imahe? Talaga nga kayang Pilipino “lang” tayo at dapat ikahiya?
Malalim ang pinag-ugatan ng ating pigiging Pilipino. Kasaysayan na rin mismo ang magpaptunay sa milyong dagok at unos na dinanas at nilagpasan ng ating bansa. Kasaysayan natin ang magpapatibay na ang ating pagiging Pilipino’y kaloob ng Maykapal at di kailanma’y mabibili ng ginto.
Isang daan at limampung taon na ang nagdaan nang dalhin ng mga Anghel sa mundong ito si Dr. Jose Rizal. Isang daan at limampung taon na ang lumipas mula nang nalanghap niya ang itim na usok ng kawalang katarungan, at isang daan at limampung taon na rin mula nang unang makatapak siya sa ating lupang pinuspos ng luha at dugo.
Nasaksihan ni Pepe ang kalupitan ng mga Kastila at ang pagmamaliit ng mga ito sa ating pagiging Pilipino.
Sa kanyang paglaki’y lumawak pa ang kanyang pananaw sa mundong kanyang kinabibilangan. Lalo pa niyang napagtanto ang kawalang-hustisya ng mga Kastila sa ating mga Indio na sa bawat araw ay tila mga ibong ginapos sa bakal.
Ngunit sa kabila ng lahat ay bumangon si Jose upang imulat ang natutulog na ulirat ng bayan. Nag-aral siya upang iangat ang ating dangal at lahi.
Ngunit di tulad ng mga pahayag natin ngayon, ni minsa’y di nahiya si Dr. Rizal na siya’y isang Indio.
“Bakit ba ang mga Indio sa Hilagang Amerika’y ipinagmamalaki ang kanyang pagiging Indio?”
Yan ang nagsilbing maalab na paniniwala ni Jose kaya itinatag niya ang Indios Bravos.
Ayon kay Rizal, tungkulin nating mga makabagong-tao na tubusin ang sangkatauhan. Paano ito mangyayari hangga’t mayroong napaparam sa kadiliman? Paano natin ito kakamtin kung tayo’y walang tiwala sa sarili? Higit sa lahat kalian tayo magsisimula?
Ang tamang simula ay walang iba kundi ngayon – at magmumula ito sa ating mga kabataan.
Tulad ng ating pambansang bayani, wag nating ikahiya ang ating pagiging Pilipino.
Lubhang may kakayahan ang Pinoy! Tignan natin ang naabot ni Lea Salonga, Charice Pempengco at lalo na si Manny Pacquiao. Sila ang patunay na dapat ipagmalaki sa mundo ang ating mga galing bilang Pilipino – ito’y walang katumbas na regalo.
Maaring ngayo’y nahihimlay na si Dr. Jose Rizal ngunit ang mga aral niya’y mananatiling buhay.
Siya ang ating bayani – kahapon, ngayon at magpakailanman.
Tulad niya, maniwala tayo na ang galing ng Pinoy at ang pag-iisip nito’y kaya nating ipagmalaki sa mundo. I-angat ang dangal ng ating bayan.
Maging Indios Bravos tayo!
Mabuhay si Dr. Jose Rizal
Mabuhay and lahing Pilipino…

